
Panimula Natuklasan mo na ba kung paanong ginawa o nilikha ng Diyos ang daigdig? Ayon sa Genesis 1:1 “Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at lupa.” Napakapalad natin dahil isa rin tayo sa nilikha Niya. Nakasama pa tayo sa isang paraiso na ngayo’y ating ginagalawan. Sa modyul na ito malalaman mo kung anong mga bagay pa ang nilikha ng Diyos na may kinalaman sa ating tinitirhan, ang mundo o daigdig? Mga dapat tandaan at layunin Handa ka na bang tuklasin ang ating daigdig? Kung handa ka na ihanda mo na ang iyong mapa o globo kung mayroon man. Ang Layunin mo sa modyul na ito ay ang mga sumusunod: • Nailalarawan ang daigdig bilang planeta ng solar system • Nailalarawan ang daigdig sa mga tao • Natatalakay at napapahalagahan : a. Bahaging Lupa b. Bahaging Tubig c. Bahaging Hangin • Natatalakay ang katangian ng globo bilang modelo ng mundo at ang mapa bilang patag na representasyon ng mundo • Naipapakita ang pakikiisa sa pag-aalaga at pagliligtas sa daigdig Pangunahing Pagsusulit Panuto: Isulat kung tama o mali. _________1. Ang daigdig ay planeta ng mga tao. _________2. Ang mapa ang sinasabing modelo ng mundo. _________3. Binubuo ng tatlong panlabas na bahagi ang ating daigdig. _________4. Pangatlo sa pinakamalapit sa araw ang ating mundo. _________5. Ang ating daigdig ay binubuo ng 75% na bahaging tubig at 25% na bahaging lupa. Nilalaman Noong unang panahon may iba’t ibang paniniwala ang mga tao sa daigdig. Inakala ng mga unang tao na ang mundo ay isang malawak na kapatagan at ang dulo ay walang hanggan. Sinasabi na ang daigdig ay isang hugis pabilog na batong lumulutang sa kalawakan. Bahagi ito ng tinatawag na solar system – isang kaayusan ng mga bagay na planetaryo sa kalawakan na ang nakapangunguna ay ang araw. Ang daigdig ay isang planeta na may tunay na hugis na oblate spheroid. Pangatlo sa pinakamalapit sa araw, na may layong 148,800,000 kilometro. Ang globo ang modelo ng mundo o daigdig samantalang ang mapa ay ang patag na representasyon ng mundo. Isang kartograper ang gumawa ng mapa. Makikita rito ang lawak ng isang lugar, direksyon mula sa iba’t ibang lugar, hugis ng lugar sa mundo at ang iskala mula sa lahat ng punto ng mapa. Ano ba ang iskala? Ito’y tawag sa paraan ng pagpapakita ng tunay na sukat ng mga lugar sa mapa na tinutumbasan ng mas maliit na sukat. ( Larawan ng Globo) Malinaw na makikita sa globo ang mga anyong tubig at anyong lupa, gayundin ang mga bahaging mabundok at bahaging patag. Binubuo ang mundo ng 75% na katubigan at 25% na kalupaan. Ang ating daigdig ay binubuo ng tatlong panlabas na bahagi: ang bahaging lupa, ang bahaging tubig at bahaging atmospera o hangin. Ang Bahaging Lupa ( Larawan) Ang bahaging lupa ay ang solidong bahagi na binubuo ng bato at lupa. Binubuo ito ng halos isang – kapat (1/4) o dalawampu’t limang porsyento ng mundo ay binubuo ng kalupaan. Ang malawak na lupa o malalaking tipak ng lupa ay tinatawag na kontinente o lupalop. Mayroon pitong kontinente ang ating mundo. Ang asya ang pinakamalaki na sinusundan ng Aprika, Hilagang Amerika, Timog Amerika, Europa, Antarctica at Australya. Mapapansin mo na maraming mga bansa ang nakapaloob sa bawat kontinente at karamihan sa mga ito ay magkakadikit. Pansinin mo ang kontinenteng Timog at Hilagang Amerika at ang mga kontinenteng Europa, Aprika, at Asya. Itanong mo sa iyong pasiliteytor kung saan ang sakop nito o hangganan ng bawat isa. Ang Bahaging Tubig ( Larawan ng tubig) Nakikita mo ba ang mga bahagi ng tubig sa globo o mapa? Mapapansin mo ang kulay asul sa mapa at globo na nagpapakita na ang mga ito ay binubuo ng bahagi ng tubig. Tinatayang tatlong kapat (3/4) o pitumpu’t limang porsiyento ng panlabas na bahagi ng mundo ay katubigan. Ang ating daigdig ay binubuo ng malalaking bahagi ng katubigan nan tinatawag na karagatan. Mayroon apat na karagatan ang daigdig. Ito ay ang karagatang Pasipiko, ang pinakamalaking karagatan, sinusundan ng Atlantiko, Indian at Artiko. Maari mo rin tingnan sa globo o mapa ang mga karagatang nabanggit at kung saan bansa at kontinente ito malapit. Ang Bahaging Atmospera o Hangin ( Larawan ) Naranasan mo na bang magpalipad ng saranggola? Ano ba ang dahilan kung bakit ito tumataas? Marahil alam mo na ang dahilan? TAMA! Ito’y dahil sa hangin na nagpapalipad at nagpapataas sa saranggola para ito’y tumayog. Ang bahaging bumabalot sa mundo ay ang atmospera. Samantala ang nakakapasong init ng araw o ultra violet rays ay pinipigilan ng mga makakapal na gas o ulap sa atmospera ng mundo ay tinatawag na ozone layer. Sinasala nito ang nakapipinsalang matinding sikat ng araw na pumapasok sa daigdig. Unti- unti na rin itong nabubutas dahil sa mga kemikal na CFC’s ( Chloroflouro Carbons), sprays, usok na galing sa pabrika at sasakyan. Ngayong alam na natin ang kahalagahan ng hangin sa ating kapaligiran pumunta naman tayo sa . . . ( Larawan ng sapin ng hangin) ANG ANIM NA SAPIN NG HANGIN: A. TROPOSPERA Dito nabubuo ang lagay ng panahon sa mundo. Kung ikaw ay nagpapalipad ng saranggola, sa tropospera ito lumilipad at ang hangin na iyong hinihinga ay nasa tropospera. B. ISTRATOSPERA Dito sa sapin na ito matatagpuan ang ozone layer. At karamihan sa mga eroplano ay dito nagpapalipad dahil hindi gaanong mapanganib dito. C. MESOSPERA Dito sa sapin na ito mayroon pinakamalakas na hangin. At karamihan sa mga batong bumabagsak sa kalawakan ay madali agad nag- aapoy at nasusunog kapag ito’y dumaan na sa hanging mesospera. D. TERMOSPERA Ang sapin ng hangin na sobrang lapit sa ultraviolet rays ng araw, sobrang init at umaabot ang init sa kabuuang 600 C. E. EKSOSPERA Ang pinakamalayong sapin sa ating himpapawid. Ito ang sapin na kung saan ay mahirap ng maabot. F. IONOSPERA Kung paano nagkakaroon ng signal ang iyong cellphone at malinaw ang naririnig ninyo sa radyo at sa telebisyon, Ionospera ang dahilan.
Quiz by Jeford Charles Cagas
Tag the questions with any skills you have. Your dashboard will track each student's mastery of each skill.